Maraming mga pauso ngayon ang mga tao. Eh pahuhuli ba naman ang mga Pinoy na lagi yatang sabik na magkaroon ng pagkilala ng ibang bansa?
Ang sabi ko po ay "yata", at hindi ko naman nilalahat. Iba-iba kasi ang personalidad ng tao at kanya-kanyang hilig. Pero ang nakakatuwa lang makita ay ang pagiging eksperto ng mga Pinoy sa pagsunod ng mga anomang ipauso ng mundo. Alam kong "Proud to be Pinoy" ang motto ng nakararami, at ipinagyayabang ang kahusayan natin sa panggagaya o yung pag "mimic".
Syempre, iba na yung sikat di ba? Kung magaling silang mga banyaga at mga talentado sa kung ano mang larangan na tinitingala ng mundo, ang simpleng gagawin lang ng mga Pinoy ay gayahin yun … & voila! .. instant celebrity na at may kumikislap pa! (yahung-yahoo! .. este google pala, para mas sikat)
Ang dami na nating rekord. Madami na rin tayong eksenang sumikat gaya din ng ibang bansa. Kahit nga anong balita na umugong na may kaugnayan sa salitang "Pinoy achievement", bentang benta na. Kesyo ano pa yan, o tungkol saan, o kung sino man yan — basta may dugong Pinoy, ipagmamalaki natin ang atin mga kababayan. Isang daang porsyento man sya na Filipino o half-blooded, o kahit pa yata nasalinan lang ng ilang patak ng dugong pinoy ang isang dayuhang may angking galing at sikat, eh proud pa rin tayo.
Pero teka, maganda bang balita ito o masama? Kung yung huli ang sagot, eh ano namang masama? Hindi ako awtoridad para magsalita at manguna sa opinyon mo o ng kahit sino pang makakabasa nito. Basta ako, nagtatanong lang. Pero dahil blog ko to, at ako ang nag post nito, ang pwede mo sigurong gawin ay ibahagi na lang din ang iyong komento o saloobin.
Ok sige, tama na muna yun para sa paunang salita. Pinoy din naman ako, gaya mo. At ang nais ko lang ibahagi ngayon ang World Record ng "Pinoy Texters" na hanggang ngayon ay usong-uso pa rin.
Huh? hindi mo alam yun? Kahit nga walang cellphone na Pinoy na nasa hustong edad at katinuan, alam yata yun eh. Kahi walang cellphone o load, kaya namang makisuyong maki-text eh!
Noong taong 2000, ang Pilipinas ay ang "Text Messaging Capital of the World" na may daily average na 300 million text messages na ipinapadala, kahit aling networks pa yan. (Ewan ko na lang ang average ngayong 2007, nde ko pa na-research ang mga naging pagbabago dyan.)
Eh ilang milyon na ba ang populasyon natin, pwera muna ung mga nasa labas ng Pilipinas? Ano kayang repleksyon ang ipinapakita natin sa mundo, na ang mga Pinoy ay puro text na lang ang inatupag? o dahil matitipid ang Pinoy na gumasta para sa nakalinyang cellphone na mas madali kung ang CALL, kesa TEXT?
In the first place, ang layon ng SMS o Short Messaging System ay para sa maigsi at mabilisang pagpapadala ng mensahe na kung ikaw ang tatanggap ay inaasahan mong importante ito o mahalaga? Pero bakit nabaligtad na yata? Mas napupuno ang message inbox mo ng "pasaway quotes" at mga patawa, na sa kadalasan ay dumarating sa mga pagkakataong hindi mo inaasahan.
Gaya na lang sa mga oras at lugar na: (1) nasa classroom ka at exam pa, (2) nasa kasalukuyang meeting ka sa opisina, (3) nasa stage ka o isang speaker ng pagtitipon, (4) nasa simbahan ka o kapilya, (5) nasa gitna ka na ng panaginip mo at biglang nag "gudpm" pa!, (6) o kaya ay paggising mo sa umaga na nagmamadaling maligo, o naiiihi ka na, o kaya'y nangingilabot na at natatae ka na, tapos biglang vibrate + ringtone yung phone mo sabay sabing "gandang umaga"!
Hindi ko ito mga personal na karanasan, pero alam kong may nakaranas na ng ganyan.
Meron pa nga yatang lungkot na lungkot dahil walang nagtetext sa kanya dahil tamad syang magreply o walang load. O kaya'y hindi umubra ang pag-iyak para bigyan ng cellphone courtesy of Nanay & Tatay.
"haler, ano bang chuvaness i2, nkk-mbyerna!?"
O di ba, na adopt na natin, ang mga salitang gamit sa text messages pati paraan ng pag spell nito. Pati nga ang tatay kong malapit ng mag 60 yrs old, eh ganyan mag-compose ng text at aminado akong mas madalas hirap akong umintinde ng mga ganung shortcuts na galit sa "a-e-i-o-u"! Kahit tunay na lalake, tunay na babae, o patagong baklita — sigurado akong alam ang mga bokabularyong "chuva", "haler", "mwah", etcetera, etc.
So, ano ngayon ang gusto kong mangyari? huh?
Wala lang.
Teka meron pala. Konti lang naman.
Ano kaya kung ganito: i-post ko na lang dito yung mga kadalasang text messages na nagpaikot-ikot sa kaka-forward at send to all contacts — Mga quotes, jokes, pa-sweet, pa-bibo, at mga pagbati at pagpaparamdam na may load pa sila o kaya nama'y naka-unlimited?
O sige nga. Try ko lang po mga magiging reaksyon at komento niyo. I-post ko na lang sa susunod.
Salamat sa link sa aking naisulat sa DigitalFilipino.com
Posted by Janette Toral at February 19, 2007, 1:35 pm