Ito ay isang caranijuang blog. Gawa ng isang caranijuang blogger.
Kagaya lang ako ng iba na dating gago, dating tarantado, at dating sira din ang ulo. Nakikisabay sa kung anong ipauso ng mga kagaya ko, at nagpapatangay sa agos ng magulong mundong ito. Kahit na pare-pareho naming hindi alam kung saan patungo ang aming mga buhay. Ginaya ko lang naman sila, ah. Ginaya lang naman natin sila, di ba? Mga sali't saling sabi ng mga matatanda na dinatnan na lang natin dito. Mga kasabihang huhubog daw sa ating pagka-tao, huhubog sa ating pagka-Pilipino, at sa kung ano-ano. Marami nang nagsabi at nagpayo, mga tradisyong ipinamana, mga itinuro sa iskwela, mga palabas sa tv at pelikula, mga kasa-kasama sa trabaho at pamilya, mga kwentong barbero, kwentong kuchero, pati pa kwento ng lasinggero, at ni Lolo Tasyo na tambay sa kanto! — Bawat isa ay may sinasabing kapupulutan daw ng aral tungkol sa buhay — lahat ng ito ay nagkaroon ng epekto sa kung ano tayo ngayon, sa kung ano din ako ngayon.
Kinse anyos pa lang ako noon. Ngayon ay beinte-tres na ako. Bata pa rin, kumpara sa mga lolo nating tinubuan na ng bermuda grass sa batok. Pero marami pa rin akong gusto magawa at matutunan. Lalo pa't panahon ngayon ng pag-unlad ng kaalaman sa siyensya at teknolohiya. Heto na nga ako at nag-iinternet pa!
Pero ang nakalulungkot lang isipin at makita ay marami ang tumanda na at tumatanda pa ngunit paurong yata. Nagsasayang ng kanilang mga buhay hanggang sa datnan na sila ng kamatayan. Nasaan na ba ang mga magpapayo? Nasaan na ang mga pala-kwento? Nasaan na ang mga pilosopo? Nasaan na ang mga pabibo? Ganito ba talaga ang gusto niyo? O gusto mong bago ka o sila ay tabunan ng lupa ay maisigaw mo sa kanilang, "Itigil niyo na kasi yan!"?
Kaso mahirap yun, di ba? Mahirap gisingin ang taong nagtutulug-tulugan. Mahirap sumigaw sa bingi. At lalong mahirap kung mahiyain ka na at boses ipis pa. Ni wala ka ngang pagkakataong magsalita sa mikroponong madidinig ng lahat, sa buong luneta, o sa buong araneta, o sa buong istasyon ng radyo at tv dahil hindi ka naman artista — bakit, sino ka ba?
Ako? Sino din ba ako? Wag mo na lang alamin. Ang mahalaga, yung importante. Anong paki nila? Eh, may internet naman, at libre ka pang magsalita. Kaya tumabi-tabi muna ang mga kontrabida, dahil sa blog, tayo ang bida!
Kahit hindi tayo magkakakilala sa mukha at kahit sa pangalan man, basta magsusulat ako at mababasa mo, ayus na yun. Dahil dito, ako naman ang magkukwento. Ok ba yun? Tapos ikwento mo rin sa iba at ipabasa para mas masaya. Magalit ka man o matuwa, may angal man o wala, basta umimik ka at huwag laging nakatunganga! Sabihin mo lang ang iyong mga komento, at ako na ang bahala sa 'yo.
Libre ang bawat pindot dito, walang bayad!
Pagkatapos mong mabasa ito at maipabasa sa iba, sana ay may natutunan ka, … tayo, … pati sila!
Kaya magalit ka man o matuwa, basta lagi mo lang tatandaan ….. "ang importante ay mahalaga", ok.